Tagalog-Filipino… Filipino-Tagalog
December 27, 2005 by eenkooboos
Ang bawat ako…Patuloy na sasabayan ang araw na makakasama silang natutuwang pintahan ang pintang hindi sa kanila. Silang hindi matuto-tutong tingnan ang sariling salamin habang buong pagod na nakakatutok ang mga matang nangmamata. Silang mga magagaling na bida-bidahang nagpapanggap bilang anak at magulang.
…Pautang!!!… silang anak ng ating mga anak naman ang magbabayad.
Umaga… Mamumulat ang mga tulog na mga matang kanina’y nakatingin sa mundong perpekto.
At babangon sa tunay… Makakasama ang mga taong naghahanap ng lubos na kagalingan sa mundong hindi ganap. Babangon sa kabihasnang patuloy na nagtatalo kung sino ang maliligtas.
…Sa kabihasnang patuloy na bumabagsak.
Magpapaagos sa lipunang nagtitinda ng kaluluwa upang makabili ng kapangyarihan.
At silang magulang na handang gumapang para makabili ng kalayaan.
Hindi magtatagal… Hihilain nilang mga mapagmasid na matang matagal ng naghahanap ng kamalian.
At gagawing parang baryang gasgas na kahit saan tignan ay walang mukhang ihaharap.
Makikita mo sila ngayon… Haharapin mo sila bukas. Kahit saan… ng paulit-ulit… ulit.
"Ang bawat umaga ay simula." Ang umagang handog ng mga namumunong hindi marunong magpatuloy.
Silang mga pinuno na binubuhay ang kalayaang nabibili’t pinagbibili..
"Mabuhay!". Mabuhay silang anak na unti-unting pinapatay ang kanilang buhay na dati nang sira.
At silang mga magulang na naghahanda ng patayin ang hindi buhay.
At kasama ang bawat sila at akong sanay magreklamo ng hindi kumikilos.
Mamumulat at malalamang iilan lang nagtatanong…
At Magtatanong…
Saan ba tayo natutulog?
Sa mundong nandyan para maidlip? O, sa mundong sadyang ayaw lang gumising?